Ebanghelyo: Lucas 17:5-10
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.
Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang na loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”
Pagninilay
Ang tubig sa ilog ay dumadaloy pababa. Kung walang humaharang na bato o kahoy o anumang bagay, ang daloy ay tahimik at payapa. Subalit kung may humahadlang, ito ay maingay at bumabagal.
Ang makina, kung ito ay hindi sira, may gasolina at sapat ang langis, ang tunog nito ay tuloy-tuloy at hindi pumapalya. Malakas itong humatak at hindi mabilis ang konsumo sa gasolina.
Ang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos ay tulad ng ilog na tahimik ang daloy at ng makina na walang sira. Bakit? Dahil sinusunod lamang niya ang dapat mangyari sa kanya. Tayo ay ginawa ng Diyos na kawangis Niya kaya bagay na bagay sa atin ang magmahal, ang maglingkod, ang magpatawad, ang tumulong dahil ganyan ang Diyos. At dahil nga ginagawa natin ang ayon sa Kanyang kalooban at utos, Siya mismo ang nagbibigay sa atin ng lakas upang ito ay magawa. Natutuwa ang Diyos sa ginagawa natin, at natutuwa rin tayo. Bakit? Ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin.
Ang magulang ay nahihirapan sa pagpapalaki at pagpapaaral ng mga anak. Kung kulang ang pagkain, ipinauubaya na lamang iyon sa kanila at siya ay nananatiling gutom. Kung maysakit ang bata, hindi siya natutulog kahit puyat na puyat upang samahan lamang ang bata na naghihirap. At sa paglaki ng mga anak, magpupundar sila ng kanilang sariling pamilya at iiwanan ang magulang. Siyempre lubhang malulungkot ang magulang pero alam niya na hindi niya dapat pigilan ang anak. Bakit? Ginagawa lamang niya ang dapat gawin.
Pero kung ginagawa natin ang nararapat bilang mga anak ng Diyos, hindi Niya tayo iiwanan. Lagi Niya tayong sasamahan kahit sa kalungkutan at sa wakas isasama Niya tayo sa kaluwalhatiang walang hanggan. Bakit? Sapagkat Siya ay Diyos at iyon ang nais Niyang gawin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022