Ebanghelyo: Lucas 13:1-9
Dumating naman ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.
Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.”
At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita.
Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.”
Pagninilay
May mga taong nabubuhay na wala sa kanilang bokabularyo ang Diyos. Lalo na kung nakikita nila na ang mga masasama ay nakakalusot sa kanilang masamang gawi at tila sila pa ang mas masaya sa buhay, nakikinabang sa kanilang pandaraya at nakakalusot sa paglabag sa batas, o kung mahuli man ay may backer na tumutulong upang huwag makulong o dahil may pera na pambayad.
Yan ang nakikita sa labas. Pero sa loob natatakot din sila. Nagkukunwari lang na hindi. Iba’t iba ang ginagamit upang takpan ang takot at pag-aalala. Nag-iinom, sigarilyo, sugal, sex, drugs lalo na. Ang mga ito ang kanyang sandalan pagka’t sa loob ay walang laman.
Pero ang Diyos ay mabait. Gumagamit ng mga pangyayari, bagay at kapwa upang magising sa katotohanan. Nangyari na ba ito sa iyo? Ikaw ba ay nayanig ng isang pangyayari kaya nasabi mo na ititigil mo na ang masamang ugali? Muntik ka nang mapahamak buti na lamang at ikaw ay nailigtas. Napagtanto mo na binigyan ka ng Diyos ng isa pang pagkakataon kaya bilang pasasalamat ay iiwanan mo na ang pagiging makasarili, susunod sa utos ng Diyos at magbabagong-buhay. Salamat sa Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022