Ebanghelyo: Lucas 11:27-28
Habang nagsasalita pa siya, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”
Pagniilay
Hindi kataka-taka na masabi ‘yon ng babae sapagkat dama niya ang malalim na ugnayan ng sanggol at ng kanyang ina mula pa noong ito ay ipaglihi hanggang sa ito ay pinasususo. Ina lamang ang may ganap na karanasan kung paano magsilang ng buhay at magaruga sa isang sanggol na walang kakayahang bumuhay ng sarili. Buhay ang katumbas ng gatas na dumadaloy mula sa ina patungo sa anak. Kaya napakapalad ng ina ni Jesus. Hindi siya pababayaan ng kanyang Anak.
Hindi naman ito itinanggi ni Jesus pero tinukoy Niya ang mas malalim na pakikipag-ugnayan na lampas sa pangkatawang pamantayan. Ano nga ba ang inaasahan mula sa atin ng Diyos? Walang iba kundi ang pagtalima sa Kanyang mga utos, hindi dahil kailangan Niya ito kundi dahil ito ay para sa ating pansariling kagalingan. Alam ng Diyos kung ano ang tunay na makabubuti sa atin. Siya ang lumalang sa atin kaya alam Niya lahat kung ano ang dapat nating gawin at kung ano ang dapat iwasan upang marating natin ang kaganapan bilang tao. Sinabi Niya ito at ipinahayag. Malalaman natin ito sa Banal na Kasulatan. Mapapalad ang nagbabasa at nakikinig mula sa Biblia at nagsasabuhay nito. Siya ay nagiging ganap na anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022