Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
“Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa Kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”Pagninilay
Naparito si Jesus upang papagalabin ang apoy ng Kanyang pag-ibig. Doon sa Kanyang pagkabayubay sa krus, doon masisilayan ang ganap na pag-ibig na pagaalay ng sarili para sa ating kaligtasan. Ang Krus ni Jesus at ang apoy ng Kanyang pag-ibig sa ating mga puso ang magdadala sa atin sa mga pagkakataong kailangan nating tumayo at manindigan, magdulot man ito ng pagkakahati-hati ng mga tao. Si San Antonio Maria Claret, ang ama at tagapagtatag ng mga Misyonerong Claretiano, ay isang taong napuspos ng nagaalab na pag-ibig ni Kristo. Ang pag-ibig na ito ang nagbunsod sa Kanya upang ipahayag ang Mabuting Balita at labanan ang anumang taliwas sa mensahe ng Ebanghelyo, magdulot man ito ng pag-uusig, pangungutya at pagbabanta sa Kanyang buhay. Hayaan nating pag-ibig ni Kristo ang mag-alab sa atin tuwina.© Copyright Pang Araw-Araw 2019