Ebanghelyo: Lucas 12:35-38
Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi Siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pag dating Niya at pag katok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating Niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot Niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man Siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan Niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!Pagninilay
“Bihis at handang maglingkod.” Maging si Jesus ay nagbigkis ng tuwalya sa Kanyang baywang, lumuhod at yumukong hinugasan ang paa ng Kanyang mga alagad. Isang makapangyarihang larawan ng isang pagiging tunay na lingkod. Katulad na paanyaya ang isuot din ang ating damit na panglingkod sa ating kapwa sa paraang alam natin. Maging isang tunay na lingkod guro, lingkod bayan, lingkod pari o lingkod manggagamot. Sa bawat sandaling tayo’y naglilingkod sa ating komunidad, ipinamamalas natin ang pagmamahal at pagkalinga na siyang nagsisilbing lakas at inspirasyon ng mga taong pinanghihinaan ng loob at lubos na ngangangailangan. Sa mga pagkakataong iyon na tayo’y tulad ng mga “nakasinding lampara”, tayo’y nagsisilbing liwanag ni Kristo sa ibang tao.© Copyright Pang Araw-Araw 2019