Ebanghelyo: Lucas 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa Kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo?” At sinabi Niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa Kanyang mga ari-arian nakasalalay ang Kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinghaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa Kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi Niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa Kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa Kanyang sarili at walang tinutubo para sa Diyos.”Pagninilay
Kung sakaling ngayong araw mismo kukunin ng Diyos ang ating buhay, anong ari-arian ang makapagliligtas sa atin? Sa bingit ng kamatayan mababatid natin kung ano talaga ang mahalaga sa isang tao. Sa pagdating ng huling sandali ng ating buhay, mababatid nating tanging Diyos lamang ang sa ati’y magbibigay ng kaligtasan. Kung kaya nga’t marapat lamang na pag-iimpok ng mga bagay na maka-Diyos ang ating pagka-abalahan: mga gawang mabuti, pag-ibig sa kapwa, pagtulong sa nangagailangan, pagpapatawad, pagtataguyod ng kagalingan at katarungan. Binubulag ng kasakiman ang isang tao at hinahadlangan nito ang pagiging bukas-palad. Saan nakasalalay ang ating buhay? Ano ang ating pinag-iimpukan?© Copyright Pang Araw-Araw 2019