Ebanghelyo: Lucas 11:42-46
Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, ngunit ni isang daliri ay ayaw ninyong igalaw para tulungan sila.Pagninilay
Higit na mas mahalaga sa kung ano pa man ang “katarungan at ang pag-ibig ng Diyos.” Bagama’t mga dalubhasa sa batas, ito naman ang kinaligtaan ng mga Pariseo. Ang pagtataguyod sa katarungan at pag-ibig ng Diyos ay ang pagiging mahabagin na siyang magdadala sa atin sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan. Ang tunay na habag ay nakikita sa pag-agapay sa mga nabibigatan at nahihirapan sa buhay. Naging mali ng mga Pariseo ang kanilang pagmamahal sa kapangyarihan at parangal sa kanilang mga sarili na humahadlang upang makita ang tunay na kalagayan ng mga tao. Isang malaking tentasyon ang kapangyarihan, sa pamahalaan man o sa simbahan. Ang tinuran ni Jesus na “sawimpalad” ay mananatili sa kawalan ng habag at awa.© Copyright Pang Araw-Araw 2019