Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating Siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking tagaNinive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.Pagninilay
Ang bawat araw ay pagbubunyag ng pag-ibig ng Diyos. Mula sa pagmulat ng ating mga mata hanggang sa mamahinga tayo sa gabi, nananatili ang presensya ng Diyos. Naroroon Siya sa bawat taong ating nakakaniig, sa mga kwentong ating naririnig, sa bawat karanasan ng buhay. Sa katapusan, kung tanungin man natin ang Diyos, “Panginoon, nasaan ka noong araw na ito?”, tugon Niya: “Hindi ba’t nariyan na ako paggising mo pa lang sa umaga, kasalo ng iyong pamilya sa lamesa, sa halakhak na dulot ng kaibigan, at maging ng estrangherong nakasalubong mo sa daan?” Ano pang tanda ang kailangan nating hingin kundi ang dakilang tanda ni Jesus mismo. Subukang tingnan at damhin ang presensya ni Jesus sa bawat kapwang nakikita at sa bawat pangyayaring nagaganap sa bawat araw.© Copyright Pang Araw-Araw 2019