Ebanghelyo: Lucas 11: 27-28
Habang nagsasalita pa siya, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa Kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa Kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”Pagninilay
Tunay nga mapalad ang Birheng Maria na nagdala sa Kanyang sinapupunan kay Jesus at s’yang nagpasuso dito. Ngunit higit pa sa pagdadalang-tao, napuno ng grasya si Maria sapagkat dinala Niya sa Kanyang puso ang salita ng Diyos. Lahat ng bagay na ito ay iningatan Niya sa Kanyang puso (Lk 2:51). Tanging ang pusong marunong manahimik, makinig at magnilay ang makakatagpo sa kahulugang dulot ng banal na salita ng Diyos. Sa gitna ng ating mga puso, nakakatagpo natin ang Panginoon. Handa rin ba ang ating mga puso na makinig at isabuhay ang mga salita ng Diyos? Kung magkaganun, katulad ni Maria, tunay rin tayong mapalad!© Copyright Pang Araw-Araw 2019