Ebanghelyo: Lucas 11:15-26
Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas Niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa Kanya ng isang tanda galing sa langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi Niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahatihati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang Kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang Kanyang palasyo, hindi magagambala ang Kanyang mga pagaari. Pero kung salakayin Siya ng mas makapangyarihan sa Kanya at talunin siya, maaagaw nito ang Kanyang mga armas na Kanyang inasahan at ipamamahagi ang Kanyang mga ari-arian. “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat. “Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi Niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating Niya, matatagpuan Niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap Siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa Kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.Pagninilay
Ang pagiging sarado at hindi pakikinig ang madalas na sanhi ng pagkakahati-hati. Madalas nating banggitin na ang pagkakaiba ng relihiyon, lahi, opinyon at paniniwala ang dahilan ng dibisyon subalit sa katotohanan, ang hindi pakikinig ang sanhi ng pagkakawatak ng tahanan, ng bansa at ng iba’tibang komunidad. Pinaghihiwalay at pinangangalat ni Beelzebul ang mga taong hindi nakikinig. Winika ni Jesus, “…ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.” Si Jesus ang Mabuting Pastol na marapat pakinggan ng Kanyang kawan upang hindi ito mangalat. Ang hindi nakikinig sa Kanyang salita ay tiyak na walang patutunguhan at mangangalat. Sa gitna ng ating pagkakawatak-watak, muli nawa tayong tipunin ng tinig ng Panginoon.© Copyright Pang Araw-Araw 2019