Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy Siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakinig sa Kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa pagsisilbi kaya lumapit Siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa Kanya na tulungan ako.” Sumagot sa Kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa Kanya.Pagninilay
Napakaingay ng mundo. Maaari itong makabingi. Sa rami ng tinig na naririnig, minsan ay nalilito na tayo kung ano at sino ang pakikinggan. Maaari tayong malunod sa impormasyon mula sa telebisyon o sa internet, sa radio o pahayagan. Madali tayong mapa-ikot ng mapang-akit na pananalita ng mga tao sa lipunan. Samahan pa ito ng ating mundong mabilis gumalaw at ng ating pang-araw araw na buhay na nagmamadali at laging abala sa maraming bagay. Nakakapagod. Sa kabila nito, pinili ba natin ang “mainam na bahagi”? Ito ang tamang oras para tumigil, manahimik, manatili at, gaya ni Maria, maupo sa paanan ng Panginoon, at makinig sa Kanya. Kailan ang huling beses na ika’y huminto, muling nakinig sa katahimikan, at nanalangin?© Copyright Pang Araw-Araw 2019