Ebanghelyo: Lucas 17: 5-10
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito. Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin Niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya Niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin Niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”Pagninilay
Sa isang panayam, pinagnilayan ni Gov. Grace Padaca, isang Ramon Magsaysay Awardee for Public Service, kung ano nga ba ang maituturing na kabayanihan. Kabayanihan daw bang maituturing, halimbawa, ang isang taxi driver na nagsauli ng naiwang malaking halaga ng salapi ng isang pasahero. Hindi ba’t ito ay isang bagay na marapat lang gawin? Hindi ba’t ito talaga ang desisyon at gawain na dapat piliin? “Ito ay dapat lang!” wika pa ni Gov. Grace. Binibigyang kulay at napapansin ang mga halimbawang “kabayanihan” sapagkat hindi na ito nagiging pangkaraniwan. Hindi pinagpipilian ang paggawa ng kabutihan. Ito’y likas na dapat gawin. Pinaaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na anumang gawing kabutihan at paglilingkod, sa bandang huli ay marapat lang nating sabihin: “Mga karaniwang utusan kami: ginawa lang naming ang dapat naming gawin.”© Copyright Pang Araw-Araw 2019