Ebanghelyo: Lucas 10:13-16
“Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno! “Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang ditumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin. At ang di-tumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin.”Pagninilay
Hindi kasiguruhan ang pagiging saksi sa mga himalang bagay upang tunay na makinig sa Mabuting Balita. Sawimpalad ang mga nakasaksi ng kamangha-manghang bagay subalit hindi naantig ng mga salita. Susi ang pakikinig nang buong puso upang mabatid at maisakatuparan natin ang kalooban ng Ama. Para sa isang taong hindi nakikinig at nananalig sa Mabuting Balita, walang sapat na himala ang maka-aantig sa Kanya kung nananatiling sarado ang Kanyang puso. Si San Francisco de Asis ay nakinig sa tinig ng Panginoon, nabatid ang Kanyang kalooban at isinakatuparan ito. Nagsasalita ang Panginoon sa iba’t-ibang paraan: sa Banal na Kasulatan, sa Simbahan, sa kalikasan, sa mga pangyayari sa kapaligiran, sa ating mga panalangin. Manatili at makinig!© Copyright Pang Araw-Araw 2019