Ebanghelyo: Lc 14: 12-14
Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
Pagninilay
Sa tuwing mayroong mahahalagang okasyon tayong ipinagdiriwang madalas nating iniimbitahan ang ating mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan, at kapit-bahay. Sa madaling salita, sila yung mga taong malalapit sa atin o kaya’y kakilala na natin. At hindi rin naman nakapagtataka na tayo rin naman ay maiibitahan din nila. King minsan pa nga, ang ilan sa atin ay nagsasabi na bakit naman mag-iimbita ng hindi kakilala kung wala ka namang mapapala sa kanila? Sa ebanghelyo, malinaw ang panawagan ng Panginoon. Una, ang kumbidahin natin kapag tayo ay maghahanda ay ang mga dukha, mga nababalewala, mga pilay at mga bulag. Hindi sila mahirap hanapin, nasa paligid lamang natin sila at naghihintay ng ating tulong at pagtanggap. Pangalawa, gumawa tayo ng kabutihan sa kapwa na walang hinihintay na kapalit. Ang taos sa pusong pagtulong ay hindi naghihintay ng anumang kabayaran, ito ay kusa nating ibinibigay o ibinabahagi sa kapwa. Pangatlo, ang anumang kabutihang ginawa natin sa mundo ay susuklian at ito’y nababatid ng Diyos. Ipanalangin natin na patuloy tayong pagkalooban ng puso na bukas at handang tumulong sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2024