Ebanghelyo: Mt 5: 1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Pagninilay
Sa araw na ito ipinag-diriwang at inaalaala natin ang lahat ng mga banal na nabuhay at dumaan sa mundo. Si Papa Boniface IV, noong Mayo 13 taong 609 AD, ay pormal na pinasimulan ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, nang kanyang ilaan ang Pantheon sa Roma bilang isang simbahan upang parangalan ang Mahala na Birhen Maria at ang lahat ng mga Martir. Pagkalipas ng ilang panahon, ito ay inaalaala sa unang araw ng Nobyembre, nang ilaan ni Papa Gregorio III ang isang kapilya sa Basilika ni San Pedro sa Roma upang parangalan ang bawat Santo o Banal sa kasaysayan. Mahalaga ang pagdiriwang na ito sapagkat ipinagkaloob ng Diyos sa mga Banal ang isang napakahalagang gawain – ang mamagitan o tulungan tayong dalhin ang ating mga panalangin sa Diyos. Hindi ba’t nakalulugod na malaman na may mga namamagitan upang ilapit ang ating mga pagsamo, mga hinaing at mga pasasalamat sa Diyos. Nagpapaalala na hindi tayo kailanman nag-iisa. Sa araw na ito, gawing huwaran din natin ang lahat ng mga banal ang kanilang naging buhay, lalo na ang kanilang buhay-pananampalataya. Sila ay nagbigay sa atin ng ehemplo na dapat nating pamarisan upang maging tunay tayong kalugod-lugod sa mata ng Diyos. Lahat ng mga Banal sa Kalangitan, ipanalangin po ninyo kami.
© Copyright Pang Araw-araw 2024