Ebanghelyo: Lucas 21:20-28
“Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang Kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pabundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. “Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa Kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. “Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.Pagninilay
“Lumuhod sila na nakadipa ang mga kamay sa anyong krus, sumigaw ng ‘Viva Cristo Rey!’ at saka sila pinagbabaril.” Ganito inilarawan ng isa sa mga naging saksi sa kinahantungan ng 51 Claretianong Martir ng Barbastro na pinatay noong Digmaang Sibil sa Espanya noong 1936. Sa harap ng kamatayan, nanatili silang matatag at hindi natinag sa anumang pangungutya sa kanilang pagiging relihiyosong misyonero. Ano ang dapat ipangamba? Dumating man ang pag-uusig at anumang kapahamakan, may kasiguruhan tayong kapanalig natin si Kristo. Hanggang sa huli ay naging matapat ang mga Claretianong Martir kay Kristo. Ano ang dapat ipangamba kung kasama natin siya? “Tumindig kayo at tumunghay!© Copyright Pang Araw-Araw 2019