Ebanghelyo: Lucas 21:12-19
Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.Pagninilay
“Ako ang bahala!” Ang marinig ito mula sa isang kaibigan o mahal sa buhay ay isang kasiguruhan na nagbibigay ng kapanatagan at lakas ng loob. Sa gitna ng ating pagiging mga alagad ay ang isang kasiguruhan. Nang sinugo tayo ng Panginoon upang ipahayag ang Kanyang mabuting balita, hindi tayo sinugong nag-iisa. Naroroon Siya kasakasama natin lalo’t higit sa harap ng panganib, pag-uusig at pagtatakwil. Si Jesus mismo ang nagbibitaw ng salita na wala tayong dapat ipangamba o ikabalisa. Siya ang bahala. Kung ganun, makakaasa tayo sa Kanyang pangako. Nananatili ang Kanyang presensya sapagkat batid Niya na kailangan natin Siya sa mga panahon ng pagsubok at panganib. Si Bathala ang bahala!© Copyright Pang Araw-Araw 2019