Ebanghelyo: Lucas 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin Niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi Niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabangyaman mula sa sobra nila pero inihulog naman Niya mula sa Kanyang kasalatan ang buo Niyang kabuhayan.Pagninilay
Nararamdaman ng isang taong tunay na nagbibigay ang pagkawala ng isang bagay na Kanyang inihandog sapagkat mahalagang bahagi ito ng Kanyang sarili. Hindi pa tayo tunay at lubusang nag-aalay kung hindi pa tayo nasasaktan. Nasubukan mo na bang ibigay ang isang bagay na napakahalaga sa iyo? Maaaring paboritong damit, isang bagay na may sentimental value o di kaya’y pagsasakripisyo ng oras para sa isang taong nangangailangan. Hindi sobra lang o bagay na hindi na kinakailangan ang alay na kinalulugdan ng Diyos. Isang pagbibigay na may pagpaparaya, isang alay na may pagsasakripisyo, isang handog na may kalakip na pagmamahal. Gaya ng pobreng biyuda, ang pagiging bukas-palad ay pagbibigay mula sa ating kawalan hanggang sa tayo’y mawalan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019