Ebanghelyo: Lucas 23:35-43
Naroon ang mga tao na nakatingin. Pinagtatawanan naman Siya ng mga pinuno: “Nailigtas Niya ang iba, iligtas din Niya ngayon ang Kanyang sarili kung Siya ang Kristo, ang Hinirang.” Pinagtawanan din Siya ng mga sundalong lumapit para painumin Siya ng alak na may halong suka. Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ngayon ang iyong sarili.” May nakasulat nga sa wikang Griyego, Latin at Hebreo sa Kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” Ininsulto rin Siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Di ba’t ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili pati kami.” Pero pinagsabihan ito ng isa pang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang dinaranas? At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang masama.” At sinabi pa Niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo: sa araw ring ito, makakasama kita sa Paraiso.”Pagninilay
Dakilang Kapistahan ngayon ng Kristong Hari. Mainam pagnilayan kung papaanong sa kapistahang ito ng pagiging hari ni Kristo ng sanlibutan, ang Kristong inilalarawan ngayon sa Ebanghelyo ay ang Kristong nakapako sa krus. Malayong-malayo ito sa pangkaraniwang pagsasalarawan sa isang hari bilang isang matagumpay at makapangyarihang pinunong nakaupo sa trono. Subalit hindi ba’t dakilang pagibig ang dahilan kung bakit pinahirapan at napako si Kristo sa krus? “Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa Kanyang mga kaibigan” (Jn 15:13). Mas makapangyarihan ang dakilang pag-ibig kaysa sa anupamang uri ng kapangyarihan ng sino mang hari. Wala ng hihigit pang patunay ng pag-ibig kundi si Kristo na nakabayubay sa krus. Tunay ngang si Kristo ang ating Hari!© Copyright Pang Araw-Araw 2019