Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinghaga. Sinabi Niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa Kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip Niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta Niya’.” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa Kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa Kanya? Pababayaan ba Niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad Niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya Siya ng pananampalataya sa lupa?”Pagninilay
Madali tayong mabuwisit sa taong makulit. Ayaw natin ng paulit-ulit na tinatanong. Kapag sinabi nating “hindi”, ibig sabihin ay hindi! Subalit iba ang Panginoon. Mas nanaisin Niyang siya’y kulitin sa ating mga panalangin. Tulad ng isang biyuda sa Ebanghelyo, tinuturuan tayong puspusang manalangin at huwag masiraan ng loob. Hindi man agarang ipagkaloob ang ating kahilingan at pangangailangan, hindi ito sapat na dahilan upang panghinaan ng loob. Sa Kanyang takdang panahon tumutugon ang Panginoon. Ang panalangin ay hindi lamang pangungulit sa Panginoon, ito rin ay pagpapamalas ng ating walang sawang pananampalataya sa Kanya. “Makakakita kaya Siya ng pananampalataya sa lupa?”© Copyright Pang Araw-Araw 2019