Ebanghelyo: Lucas 17:20-25
Tinanong Siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at di naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng Kanyang pagdating. Subalit kailangan muna Niyang magtiis ng marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.Pagninilay
“Nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.” Binibigyang diin ni San Lucas ang dimensyong komunidad ng Kaharian ng Diyos. Ang presensya ni Jesus ay nananahan sa gitna ng ating komunidad. Hinahanap at hinihintay ng mga Pariseo ang kaharian ngunit nananatili silang bulag sa presensya mismo ng kaharian sa katauhan ni Jesus. Hindi ba’t kayrami na Niyang ipinamalas na kahanga-hangang bagay ngunit nanatiling sarado ang mga puso ng mga Pariseo. Sa tuwing nananatiling bukas ang ating mga puso, patuloy nating mararanasan ang presensya ng Kaharian. Hayaan nating manahan si Jesus sa ating mga sarili. Hayaan nating maghari si Jesus sa ating komunidad, sa ating pamilya, sa ating bayan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019