Ebanghelyo: Lucas 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulungbulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap Niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba Niya iiwan ang siyamnapu’tsiyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan Niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya Niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin Niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t-siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba Siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.Pagninilay
Panandaliang iiwan ng pastol ang siyamnapu’t-siyam na tupa upang hanapin ang nawawalang isa sa dalawang kadahilanan. Una, sapagkat mahal at mahalaga para sa Kanya ang nawawalang tupa. Ikalawa, sapagkat mahal at mahalaga para sa Kanya ang siyamnapu’tsiyam na naiwan. Ramdam ng naiwang tupa ang kanilang kakulangan sa pagkawala ng isa. Si Jesus ang ating Mabuting Pastol na pilit hahanapin ang mga nawawalang makasalanan at naliligaw ng landas upang ibalik at muling yakapin at tanggapin ng komunidad. Ilan na nga ba sa atin ang nawala o kusang lumisan dahil sa kung anumang kadahilanan. Bawat isa ay mahalaga at walang dapat mawalay. Bawat isa ay bahagi ng komunidad, maging yaong mga nalulong sa bawal na gamot, mga binansagang “salot sa lipunan”, mga tiwali at ‘di tapat, mga bilanggong nasa piitan. Iiwan ng pastol ang siyamnapu’t-siyam para sa kanila.© Copyright Pang Araw-Araw 2019