Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon Siya sa bundok. Naupo Siya roon at lumapit sa Kanya ang Kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. “Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.Pagninilay
Dahilan upang magsaya at magalak ang pagiging mapalad. Isang biyaya at karangalan ang maging mapalad subalit ang pagiging mapalad na ito ay hindi nagmumula sa kung anupamang kayamanan o kaginhawahang ibinibigay ng mundo. Maging sa kabila ng kahirapan at pag-uusig, ng gutom at uhaw, pagluluksa at paninirangpuri, nananatili tayong mapalad sapagkat kaisa natin ang Panginoon. Samantalang may naghihintay na gantimpala sa langit, ang maging kaisa ni Jesus sa lahat ng ito ay sapat nang dahilan upang maturingang mapalad. Hindi ba’t ang mga dakilang banal sa langit ay yaong mga kaibigan ng Panginoon na naging tapat sa Kanya? Sila ma’y nagdusa at pinag-uusig, nanatili pa rin silang mga tapat na kaibigan ng Panginoon. Matulad din nawa tayo sa kanilang mapapalad na banal.© Copyright Pang Araw-Araw 2019