Ebanghelyo: Mateo 4:18-22
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
Pagninilay
Nakita natin kung paanong tinawag ni Jesus ang mga alagad. Bawa’t isa, ikaw at ako ay tinatawag din Niya na sumunod sa Kanya at lumayo sa Demonyo. Kung sinusunod natin ang Demonyo dadalhin niya tayo sa kapahamakan at pagkabigo. Ano naman ang mangyayari kung tayo ay susunod kay Jesus? Una, ipakikilala Niya ang sarili sa atin sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan at mabubuting halimbawa ng mga taong tagasunod Niya. Mararanasan natin ang kaligayahan ng paggawa ng mabuti, ng pagtulong sa kapwa, ng pagiging tapat at hindi nagsisinungaling. Mararanasan din natin ang pagpasan ng krus araw-araw, ng pagpapatawad sa mga nagkasala at nakapanakit sa atin. Pero hindi tayo maghihiganti at hindi tayo tutulad sa masasama. Sa madali’t sabi, tuturuan tayo ni Jesus na mamuhay bilang mga tunay na anak ng Diyos. Ano ang bunga nito? Mararanasan natin ang kaligayahan na Diyos lamang ang makapagbibgay. Mararanasan natin na umasa sa Diyos sa kabila ng kahirapang pinagdadaanan at higit sa lahat, mararanasan natin na magmahal kahit wala nang dahilan para magmahal dahil ang nagbibigay sa atin ng lakas ay ang Diyos mismo. Tayo ay nagiging katulad ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022