Ebanghelyo: Lc 21: 29-33
At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punongigos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.
Pagninilay
“Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.” Madalas kong marinig ang mga salitang, “Walang Forever!” Wala anumang bagay ang permanente sa mundo, lahat ay lumilipas, naglalaho o nawawala. Darating ang panahon, anumang bagay o ugnayan na nais nating panatilihin at panghawakan, darating oras na ito’y lilipas at kailangan mong pakawalan. Hindi ganito ang salita ng Diyos. Wala itong expiration. The Word of the Lord endures forever. Nanatili ang Salita ng Diyos magpakailan. Ito ang maaari nating panghawakan sa buhay natin, na hindi kailanman tayo bibiguin o tatalikuran. Ang Salita ng Diyos ay hindi mawawala sa piling natin. Tayo’y pinalalakas nito sa mga oras na pinaghihinaan tayo ng loob. Tayo’y binubusog nito ng pag-asa at pinaiigting ang pagnanais nating mas mapalalim ang ugnayan natin sa Diyos. Bilang mga Katolikong Kristiyano, tayo’y inaanyayahan na ugaliing magbasa ng Bibliya. Wika nga ni San Geronimo, “ang kamangmangan sa Salita ng Diyos ay kamangmangan kay Kristo.”
© Copyright Pang Araw – araw 2024