Ebanghelyo: Marcos 13:33-37
Mag-ingat kayo at magpuyat: hindi nga ninyo alam kung kailan ang oras. Ipagpalagay natin na nangingibang-bayan ang isang tao. Iniiwan niya ang kanyang bahay at ipinagkakatiwala ang lahat sa kanyang mga utusan. May kanya-kanya silang tungkulin at inutusan niyang magbantay ang bantay-pinto. Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang oras ng pagdating ng may-ari, kung hapon o hating-gabi o madaling-araw. At baka bigla siyang dumating, at madatnan kayong natutulog. Kaya sinasabi ko rin sa lahat ang sinasabi kong ito sa inyo: Magbantay.”
Pagninilay
Ngayon ang simula ng Adbiyento, panahon ng paghahanda sa pagdating ng ating Panginoon sa mundo. Narito na siya ngunit nais pa niyang lumapit sa atin upang mas lalo pa natin siyang makilala at maranasan ang kanyang walang hanggang pagmamahal. Nawa’y maging bukas ang pinto ng ating puso dahil maaaring siyang kumatok sa mga sandaling hindi natin inaasahan. Huwag nating kalimutan na magbigay ng panahon para sa Kanya sa katahimikan ng panalangin at pakikinig sa Kanyang salita. Gayun din naman, maglaan tayo ng panahon para sa paglilingkod sa ating kapwa, lalo na ang más nangangailangan ng kanyang dakilang awa at pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020