Ebanghelyo: Lucas 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabangyaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabangyaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
Pagninilay
Para sa isang mayaman, madali lang ang pagbibigay sa simbahan o pamimigay sa iba dahil meron silang kayamanang makukunan ng kanilang ipamimigay. Para sa isang dukha, hindi madali ang pagbibigay dahil sapat lamang o kulang pa kung anong mayroon sila para sa kanilang pangangailangan. Gayunpaman, sa karanasan ng isang pari sa mga taong naroon sa bundok, kapag nagbigay ang isang dukha, pipiliin talaga niya ang pinakamatabang manok, ang pinakamainam na gulay o prutas, at daragdagan pa nang ngiti sa pagsasabing, “pasensya na Padre, ito lang ang nakayanan namin.” Tulad ng biyuda sa Ebanghelyo, kanyang ipinagkaloob ang lahat ng mayroon sa kanya. Nagtitiwala siya sa walang patid na awa at tulong ng Diyos. Ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay bukas ang mga kamay sa pagbabahagi at handa sa pagtanggap sa biyaya nang Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023