Ebanghelyo: Lucas 21:34-36
Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Pagninilay
“Mag-ingat na huwag malulong sa mga bisyo.” Sa mga taong malapit sa akin madali kong masabi kung hindi siya pumunta sa misa. Palagi akong nagte-text o kapag nakita ko siya nang personal tinatanong ko siya, “bakit wala ka noong Linggo.” Iba-iba ang nakukuha kong tugon, ngunit may isang tao na tapat at sinabi, “Hindi ako pumupunta sa simbahan dahil lasing ako kagabi at may “hangover” pa ako noon.” Ang masamang bisyo ay naglalayo sa atin sa Panginoon. Dadalhin tayo ng ating masamang bisyo sa kapahamakan, masasayang ang ating oras at pera at relasyon sa pamilya kapag nanatili ang ating bisyo. Sa madaling sabi, ito ang magdidkita sa iyong buhay. Sumangguni tayo sa tulong ng mga eksperto jung hindi natin kayang mag-isa. Hingin din natin ang tulong ng ating pamilya na handang sumuporta sa atin at, higit sa lahat, ang gabay ng Diyos upang labanan ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021