Ebanghelyo: Lc 21: 5-11
May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.“ Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?“ Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.“ At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaana ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit.
Pagninilay
Maraming naglalabasang mga “mesiyas” o kaya’y “propeta” kapag may mga dumarating na mga sakuna o kalamidad gaya ng super typhoon, lindol, pagkagutom at pagbaha. Sinasabi nilang malapit na raw magunaw o dumating ang katapusan ng mundo. Hindi naman natin maiwasang makaramdam ng takot sapagkat walang nakakaalam kung kailan ito mangyayari at hindi pa tayo handang humarap sa ganitong sitwasyon. Gayun pa man, may paalala sa atin si Jesus na huwag tayong maniwala upang hindi tayo madaya. Kung mayroon man tayong dapat panaligan at pagkatiwalaan walang iba kundi ang Diyos. Sa halip na gugulin natin ang ating panahon na mamuhay sa takot at pangamba habang iniisip natin na baka katapusan na ng mundo, bakit hindi natin gamitin ang lakas at oras natin upang gumawa ng mabuti, tumulong sa kapwa at gawing kapaki-pakinabang ang bawat araw na dumaraan upang purihin at paglingkuran ang Diyos.
© Copyright Pang Araw – araw 2024