Ebanghelyo: Lucas 21:12-19
Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.
Pagninilay
Hindi ipinangako ni Jesus na ang buhay ay magiging madali para sa kanyang mga alagad. Ang ipinapangako niya ay siya’y magbibigay sa atin ng mga salita at karunungan sa panahon ng matinding pagsubok at kahirapan. Kabilang na dito ay ang handog ng ating muling pagkabuhay. Alalahanin natin ang napakaraming mga pagkakataon kung saan ang ating pananampalataya’y nakakaranas ng pangungutya, kabiguan at pagsalungat sa iba’t ibang dako ng mundo. At nakakalungkot ang mga balita ng pagpaslang sa mga Kristiyano, mga pari’t misyonero sa ngalan ng Diyos. Sa kabila nito, sumampalataya tayo na magwawagi pa rin ang Panginoon at ang kanyang Kaharian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020