Ebanghelyo: Lucas 21:12-19
Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpa-totoo kayo sa akin.
Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway.
Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.
Pagninilay
“Manatiling matatag, at maliligtas ka.” Matapos ang pagkawasak ng templo at iba pang mga sakuna na nangyari, ang buhay ng mga alagad ay nagpatuloy. Ito ay upang makapagpatotoo sila sa pangalan ni Jesus. Karagdagan dito ay ang sigalot sa ugnayan ng mga pamilya. Ang bawat miyembro ng pamilya ay magdadalamhati. Nangyayari na ba ito? Hindi nakakagulat na nangyayari ito. Bakit may mga natural na kalamidad? Sapagkat matanda na ang mundo at hindi natin ito pinangangalagaan. Bakit nasisira ang relasyon ng pamilya? Sapagkat ang sariling pagpapahalaga sa sarili at kapakanan lamang ang inuuna natin na bunga ng pagiging makasarili. Ang lahat ng ito bagamat masama ay tila sinasangayunan ng tao. Ngunit ang mabuting balita, ang Panginoon natin, ay naririyang kasama natin at iniligtas tayo. Kailangan lang nating manatiling matatag at nagtitiwala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021