Ebanghelyo: Lucas 21:5-11
May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit.
Pagninilay
Ang mga masasamang balitang dumarating sa atin araw araw ay maaaring nating isipin na tila malapit na áng katapusan ng mundo. At marahil ay nagdudulot ito ng takot at pag aalala sa ating kinabukasan. Ngunit sinasabi ni Jesús na huwag tayong maligalig, bagkus magtiwala tayo sa Diyos. Ang mahalaga’y masilayan natin Siya maging sa mga malulungkot na katapusan na nararanasan natin tulad ng kamatayan ng mahal sa buhay, paghiwalay ng pamilya, pagkatanggal sa trabaho at kawalan ng kalusugan. Saan ba ang Diyos sa mga krisis na ito? Mayroon bang mga pagtatapos na nagbigay sa akin ng kalayaan at nagbukas ng bagong buhay?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020