Ebanghelyo: Lucas 21:5-11
May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?”
Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.”
At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit.
Pagninilay
Malakas ang pinsala ng lindol na tumama sa Bohol noong 2013, sakatunayan, higit sa sampung malalaking Simbahan na itinayo sa panahon ng mga Espanyol ay bumagsak. Bukod sa mga simbahan, maraming pang mga bahay ang nasira at nawasak. Matindi rin ang kalungkutang nadama ng mga tao roon. Ngunit pagkalipas ng ilang taon, mabilis din silang nakabangon. Halos lahat ng mga simbahan na gumuho ay naayos na. Hinulaan ni Jesus na mawawasak ang Templo ng Jerusalem, at nangyari ito noong 70 A.D. Ito ay isang malaking pagsubok na kanilang pinagdaan. Isa rin itong imbitasyon upang magbagong buhay, lalo pa nga na hindi tinanggap ng kanilang mga pinuno si Jesus at pinatay pa siya. Sa tuwing dumaraan tayo sa mga pagsubok ng buhay, huwag natin kalimutan ang Panginoon. Higit tayong magtiwala sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021