Ebanghelyo: Lucas 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.”
Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Pagninilay
Hindi inaasahan ni Zakeo ang nangyari noong araw na iyon. Hindi rin niya plano ang pagbabago ng kanyang ugali at pagbabalik-loob sa Diyos. Pero meron siyang ginawa na kung hindi dahil doon lumampas si Jesus sa kanyang buhay. Ano yon? Ang kanyang pag-akyat sa punongmala igos. Naririnig na niya ang tungkol kay Jesus. Alam din niya ang itinuturo ni Jesus na pagbabagongbuhay. Sa kaibuturan ng kanyang puso gusto na niyang magbago pero malakas pa rin ang hatak ng kanyang trabaho na malaki naman ang kita. Kaya nang dumating ang pagkakataon na maaari niyang makita si Jesus, nilakasan niya ang loob, at umayat sa puno. Doon siya nakita ni Jesus. At yon ang simula ng kanyang pagbabagong-buhay.
Maraming katulad ni Zakeo na gustong magbago. Hindi lang matularan ang ginawa ni Zakeo sa iba’t ibang kadahilanan: nahihiya, nanghihinayang, tinatamad, hindi pa handang magbago at ayaw pang bitiwan ang kayamanan at iba pa. May mga pagkilos na inaasahan sa ating ang Diyos. Oo, naroon ang grasya pero may mga pagkilos na tayo ang dapat gumawa upang lalong mapalapit sa Diyos. Panahon na.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022