Ebanghelyo: Lc 17: 20-25
Tinanong siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.“ Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at di naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis ng marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.
Pagninilay
Madalas nating marinig sa mga balita sa TV, radio at maging sa mga babasahin na malapit nang magunaw ang mundo. Bago magpalit ang taon noong 1999 patungong taong 2000, maraming mga tao sa iba’t-ibang panig ng mundo ang nag-impok ng mga pagkain at naghukay ng mga taguan sa ilalim ng lupa sapagkat inaasahan nilang magwawakas na ang mundo at darating na ang Kaharian ng Diyos. Gayun pa man, 2024 na, pero naririto pa rin tayo. Totoo bang hindi dumating ang Kaharian ng Diyos? Fakenews lang ba ang lahat? Sa ebanghelyo, malinaw ang winika ng Panginoon, “nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.” Dumating na sa buhay natin ang Panginoon noon, at magpahanggang ngayon kumakatok ang Panginoon sa puso natin upang Siya’y ating pagbuksan at tanggapin. Huwag nating hanapin ang Kaharian ng Diyos dito o kung saang lugar o lupalop, sapagkat ito’y nasa kalooban na natin. Kaya bago tayo makinig sa anumang mga balita na ipinapahayag ngayon tungkol sa Panginoon, huwag na tayong tumanaw sa malayo o hanapin Siya sa paligid, simulan natin siyang hanapin sa ating kalooban.
© Copyright Pang Araw – araw 2024