Ebanghelyo: Lucas 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya, at nang malapit na ay itinanong: “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri din sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
Pagninilay
Tinanong ni Jesus ang bulag: “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi ng bulag ang totoo: makakita sana siya. At iyon ay ipinagkaloob ni Jesus. Ano ang nangyari? Mayroong nais ang bulag. Mayroon ding nais mangyari si Jesus. Nagtagpo ang kanilang ninanais. Kaya naisakatuparan iyon. Bukod sa riyan, at ito ang mahalaga, may pagtitiwala ang bulag na gagawin iyon ni Jesus.
Maraming mga pagkakataon na ang ating ninanais ay kapareho ng ninanais ng Diyos kaya nagkakaroon ng katuparan. Pero mayroon din naman tayong ninanais na kahit ilang beses na nating hiniling sa Diyos ay hindi pa ibinibigay kahit naka ilang pamisa na tayo. Tiyak ang ating gusto ay hindi gusto ng Diyos. O kulang ang ating pananalig sa Diyos.
Maganda rin na bago tayo humiling sa Diyos ay itanong muna sa kanya: “Panginoon gusto mo rin po ba ito? Ito ba ay para sa aking ikabubuti at sa kabutihan ng kapwa?” Tulad ni Jesus, matuto tayong magpaubaya at hayaan ang Diyos na masunod ang Kanyang gusto.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022