Ebanghelyo: Lc 17: 11-19
Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.“ At sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Umalis kayo at humarap sa mga pari.“ At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano. Kaya sinabi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?“ At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.“
Pagninilay
Ang ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin sa kahalagahan ng tamang pagpapasalamat, lalo na sa pagkilala sa lahat ng kabutihan ng Diyos sa buhay natin. May kasabihan nga na madali para sa taong humingi at manikluhod sa Diyos para sa mga pansarili nating pangangailangan, pero madali naman tayong makalimot magpasalamat sa Kanya. Tandaan na ang taong marunong magpasalamat, ang biyaya at grasya ng Diyos ay hindi natatapos. Ito’y patuloy na bumubuhos at gumagalaw sa buhay ng tao. Ang taong may pusong magpasalamat sa Diyos ay kumikilala hindi lamang sa Kanyang wagas na kabutihan, higit sa lahat, sa kanyang kadakilaan. Nababatid ng taong iyon, na kung wala ang Diyos sa kanyang buhay ay kulang ito at hindi ganap. Nawa’y makaugalian natin tuwina na magpasalamat sa Diyos. Sa lahat ng uri ng biyaya na ating natatanggap sa pamilya, kalusugan, trabaho, kaibigan, gaano man ito kadakila o kaliit, pasalamat natin ang Diyos.
© Copyright Pang Araw – araw 2024