Ebanghelyo: Lucas 21:5-19
May ilan namang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?”
Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita ninyo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.”
At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa langit. Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.
“Isaisip ninyo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang di matatagalan o masasagot ng lahat ninyong kaaway.
“Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamaganak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.”
Pagninilay
Tuwirang sinabi ni Jesus ang mangyayari at walang paliguyligoy. Maglalaban-laban ang mga tao sa daigdig, magugulo ang kalikasan, kamumuhian sila at papatayin ang ilan. Sa lahat ng ito, isa lamang ang kahilingan ni Jesus: magpakatatag.
Hindi kinakailangan na hintayin pa ang panahon na ang mga kababalaghan o himagsikan o pagkasira ng kalikasan ay dumating. Ngayon na ang panahon upang magpakatatag. Dalawa lamang ang direksyon sa buhay. Paglapit sa Diyos at paglayo sa Diyos. Ang paglapit sa Diyos ay landas ng pagpapakabuti, pagtitiyaga, pagiging totoo, pagtulong sa kapwa at pagpapatawad sa nagkasala. Ang paglayo sa Diyos ay ang pagsuway sa Kanyang mga utos, layaw sa buhay, panlilinlang, pagsamantala sa kahinaan ng iba, pagtanim ng galit at paghihiganti.
Mautak ang demonyo. Nangangako ng maalwan na buhay at pagsasaya. Makatotohanan ang Diyos, sinasabi na bahagi ng buhay ay paghihirap at pagtitiyaga, kasama na ang pagpasan ng krus. Pero sa katapus-tapusan, Diyos pa rin ang mananaig sa demonyo. Sa ating pagpapakatatag, maililigtas natin ang sarili kapiling ng Diyos.
Ito ang naging buhay ng mga santo. Dumaan lahat sila sa pagsubok. Sila ay nahirapan pero hindi nawasak, naguluhan pero hindi nawalan ng pag-asa, maraming kaaway pero hindi nawalan ng kaibigan, bugbog sarado pero buhay pa rin. (2 Cor 4:8-9) Bakit kaya nagawa nila iyon? Sapagkat ang kanilang sinusunod bilang halimbawa ay naunang dumanas ng kanilang pinagdaanan. Alam nila ang kahirapan ay bunga ng kasalanan pero si Jesus ay hindi nagkasala. Pinasan ni Jesus ang kasalanan ng lahat. Sila ay nagpakatatag pagkat si Jesus ang unang nagpakatatag.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022