Ebanghelyo: Lc 17: 7-10
Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang na loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”
Pagninilay
Ano ba ang inaasahan sa isang taong nais maglingkod sa Diyos? Ang tunay na paglilingkod ay hindi naghahangad ng anumang katumbas na kapalit. Ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maging kalugodlugod sa mata ng Diyos. Siya ay nakahandang maglingkod ng may tapat na puso at kababaang-loob. Hindi natin kailanman hinahangad na maging kapantay ng Diyos at asahan ang Diyos na tumanaw ng utang na loob sa atin dahil tayo’y naglilingkod sa Kanya. Nababatid ng Diyos ang anumang pagsisikap natin upang Siya’y mapaglingkuran. Ganoon din naman sa ating pakikipagkapwa-tao, ang totoong naglilingkod sa kapwa ay naglilingkod ng may pagmamalasakit. Handa siyang ibahagi ang kanyang sarili at hindi naghihintay ng anumang pagtanaw ng utang na loob. Ang Diyos na nakababatid sa laman ng ating puso ang siyang bahalang kumilala at magbigay pagpapapa sa ating mga ginagawang paglilingkod sa kapwa.
© Copyright Pang Araw – araw 2024