Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpuntapunta niya’.”
Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Pagninilay
Sinabi ni Jesus: “Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob.” Bakit nga ba tayo nasisiraan ng loob? Dahil ang tingin natin sa problema ay napakabigat at higit sa ating kakayahan. At kung aasa lamang sa sarili ay talagang walang magagawa kaya ang solusyon ng iba ay magpakamatay! Ano ang solusyon na iniaalok ni Jesus? Humanap ng tutulong na mas makapangyarihan kaysa sa iyo. Sino? Mayroon pa bang dapat na lapitan kundi ang Diyos? Kaya ang sabi ni Jesus: manalangin! Ang panalangin ay ang paglapit sa Diyos na makapangyarihan, mapagmahal at matulungin. Ating inihaharap sa Kanya ang ating suliranin kasabay ng pagpapakumbaba na hindi natin kaya at pagsusumamo na Siya na ang kumilos. Kung gaano karami ang mga mabibigat na suliranin ganoon din kalimit ang ating pananalangin.
Ano ang kasunod? Huwag masiraan ng loob. Magpatuloy sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Huwag magpadala sa tukso na gumawa ng short cut o gumawa ng diskarte na labag sa Kanyang kalooban. Magtiwala na gagawin ng Diyos ang pinakamabuti. Matuto ring magpasalamat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022