Ebanghelyo: Lc 17: 1-6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.“ Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.“ Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.
Pagninilay
Napakaliit ang binhi ng isang mustasa. Ito’y gatuldok lamang kung papansinin. Gayun pa man, kapag ito’y itinanim at tumubo, nagiging mas malaki pa nga ito kaysa ibang halaman at nagiging punong-kahoy. Sa ganito ikinumpara at inaasahan ni Jesus na ang pananampalataya natin ay lalago. Hindi natin maiiwasan na humarap o dumaan sa matitinding mga pagsubok. Ang mga tukso rin ay palaging nasa palagid lang natin. Ito’y bahagi na ng buhay ng tao na kailangan nating pagdaanan at pagtagumpayan. Tayo’y pinaaalalahanan ni Jesus na maging matibay sa pagharap sa mga pagsubok. Hangad din naman Niyang huwag tayong maging daan upang ang kapwa natin ay malugmok sa kumunoy ng kahirapan at kasalanan. Nawa’y maging instrumento tayo upang ang kapwa ay ilapit sa Diyos. Kaya naman pagsabihan at patawarin ang sinumang nawawalay sa landas ng Panginoon. Gayun na lamang ang paanyaya sa atin ni Jesus, na hingin natin na lumago pa ang ating pananampalataya. Walang hindi kayang ipagkaloob ang Panginoon. Sumampalataya at iugat natin ang buhay natin sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-araw 2024