Ebanghelyo: Lucas 17:26-37
Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nagaasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang Baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo.
At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao.
“Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na magligtas ng sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay.
Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya. “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Pagninilay
Walang nakakaalam kung kailan mangyayari ang katapusan ng mundo pero tayo ay nakatitiyak na karamihan sa atin ay hindi aabot ng edad na sandaang taon. May namamatay na sanggol pa lamang, may teenager, at mayroon din namang inaabot ng higit sa siyamnapung taon. May namamatay sa tulog, sa sasakyan o habang kumakain. May kakilala ako, inatake sa puso sa sobrang tuwa dahil nanalo sa larong dama.
Ang buhay na walang hanggan ay nagsimula noong tayo ay ipanganak. Ang buhay natin ngayon ay magpapatuloy sa kabilang buhay, siyempre tayo pa rin yon at hindi ibang tao. Kung mabait tayo, mamamatay na mabait at ang buhay sa kabila ay buhay ng isang mabait. Kung makasalanan tayo ngayon, malaki ang posibilidad na kung hindi magsisisi at magbabagong-buhay, mamamatay na isang makasalanan at malayo sa Diyos. Paalaala sa atin na habang nabubuhay pa pagsikapang laging sumusunod sa kalooban ng Diyos upang dito pa lamang sa lupa ay para na ring langit at magkakaroon ng kaganapan sa buhay sa kabila kapiling ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022