Ebanghelyo: Mc 12: 38-44 (o Mc 12: 41-44)
Kaya sinabi niya sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nanguubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.“ Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. Maraming mayamang nagbigay ng malalaking halaga. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila, ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya – ang mismong ikabubuhay niya.“
Pagninilay
Sa ebanghelyo, pinapaalalahanan tayo ni Jesus na palagi nating bantayan ang mga gawi at motibasyon natin sa buhay. Marami sa atin ang tila sumusunod sa yapak ng mga Pariseo at Eskriba. Kaya binabalaan tayong huwag tumulad sa kanila na pakitangtao lamang ang pinamamalas na kabutihan sa kapwa at pagsamba sa Diyos. Hangad nila sa tuwina na makuha ang pagkilala at papuri ng mga tao at nang mabigyan ng espesyal o pangunahing lugar sa mga pagtitipon. Gayun din, itinuro ni Jesus kung sino ang dapat nating pamarisan o tularan. Tinukoy ni Jesus ang ginawa ng isang pobreng biyuda, na inihulog ang lahat ng nasa kanya, nang kanyang ikabubuhay. Siya ay hindi naging makasarili. Kung tutuusin, maaari naman niyang isipin na unahin muna ang kanyang sariling kapakanan, bago ang magbigay ng handog sa kabang-yaman. Hindi tinutuligsa ni Jesus ang malalaking handog ng mga may-kaya na naghandog mula sa kanilang kasaganaan, pero mula sa kanyang karukhaan mas pinili ng biyuda na ihulog ang mismong ikabubuhay niya. Sa araw araw, nabubuhay din ba tayo tulad ng mga Pariseo at Eskriba o tulad tayo ng pobreng biyuda? Ano ba ang kaya nating itaya o ihandog para sa Diyos. Kaya ba nating magbigay mula sa mismong ikabubuhay natin? O mas pinipili nating pahalagahan ang kinang ng yaman at matatamis na papuri ng iba? Tandaan, ang mga papuri at paghanga ng mga tao ay lumilipas, pero hindi natatapos at nakakalimot ang Diyos sa mga taong gumawa at naghandog mula sa kaibuturan ng kanilang puso.
© Copyright Pang Araw-araw 2024