Ebanghelyo: Juan 2:13-22
Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa-Jerusalem. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.”
Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.”
Sinabi naman ng mga Judio: “Apat-napu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Pagninilay
Dalawa ang kahulugan ng templo sa bahaging ito ng Ebanghelyo. Ang unang tinutukoy ni Jesus ay ang templo na yaring bato sa Jerusalem. Dapat lamang na magalit si Jesus dahil niyuyurakan ng mga mangangalakal ang dangal ng templo. Ito ay bahay dalanginan, lugar na nakatalaga para sa Diyos upang doon ay sumamba, magpuri, magpasalamat at humingi ng patawad sa Diyos. Sa halip, ginawa ito ng mga mangangalakal na palengke. Nawala sa usapan ang Diyos at napalitan ng pera.
Ang ikalawang kahulugan ay ang kanyang katawan na magdaranas ng hirap, ipapako sa krus at pagkatapos ng tatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos Ama.
Maaari pa tayong magdagdag ng isa pa. Ang ating katawan bilang templo ng Espiritu Santo. Ito ay kanyang pag-aari, kanyang bahay. Ang Diyos ang gumawa ng katawang ito. Kumikilos ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng katawang ito. Magpaubaya tayo sa Espiritu Santo upang sa ating pagkilos ay madama natin at ng ating kapwa ang biyaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan at iba pa. O, ano pa ang hinihintay mo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022