Ebanghelyo: Lc 16: 1-8
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.” Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.
Pagninilay
Ang ebanghelyo ay tumutukoy sa Talinhaga ng Di-matuwid na Katiwala. Kadalasan, iba ang pakahulugan natin sa tunay na mensahe ng talinhagang ito. Hindi sinasabi ni Jesus na tayo’y dapat magkaroon o maghangad ng kayamanan sa hindi matuwid na paraan at pagkatapos ay gamitin ito upang maging mapagbigay o bukas-palad sa kapwa. Ang paghahangad ng
kayamanan ay hindi nagiging tama kung ito’y nakuha natin sa di-wastong paraan, kung ginagamit natin para lamang sa pansariling kapakanan at kung ang kayamanang nakuha ay nagbubunsod upang tayo ay magkasala o di-gumawa ng matuwid sa kapwa. Kaya pinaaalalahanan tayo ni Jesus na maging matuwid, Maging mabuti at mapagbigay sa kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan. Anumang kayamanan na mayroon tayo ngayon, talino, salapi, kakayahan o talento man ito, lahat ng ito’y nagmula sa Diyos at kinakailangang ibahagi natin sa iba ng bukal sa ating puso.
© Copyright Pang Araw-araw 2024