Ebanghelyo: Lucas 17:7-10
Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nagaalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang na loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”
Pagninilay
I nilarawan ni Jesus ang halimbawa ng isang tapat, masipag at butihing utusan. Dapat niyang gawin iyon dahil siya ay isang utusan. Nagpapakatotoo lamang siya sa kanyang katayuan. Pero paano naman kung magpalit ng pwesto ang utusan at ang amo? Ang amo ang magsisilbi sa utusan. Anong klaseng usapan ito? Ang totoo, sa buhay ni Jesus hindi lamang utusan at amo ang pinagpapalit. Si Jesus na Diyos ay nagpakababa at sa pagiging tao, ang Maylalang ay naging isang nilalang, hindi upang Siya ay paglingkuran kundi upang maglingkod sa mga tao. Hindi biro-biro ang paglilingkod na ito dahil inialay pa Niya ang sariling buhay para sa kapakinabangan ng mga taong Kanyang nilalang. Siya ay naglingkod sa tao upang ang tao ay maging katulad ng Diyos. Grabe talaga ang pinagdaanan ni Jesus. Sana huwag masayang ang ginawang halimbawa ni Jesus. Sa ating pagsusumikap na maging mabuting Kristiyano, sa pagtitiyaga na gumawa ng mabuti, maglingkod sa kapwa at magpatawad sa mga nakadisgrasya sa atin, lagi nating isipin na ang Diyos ay naging tao upang pangunahan tayo sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Buong kapakumbabaang sabihin natin: “Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022