Ebanghelyo: Mateo 25:1-13
Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.’
Pagninilay
Ang buhay ay puno ng maraming sorpresa at minsan nangyayari ang mga bagay bagay na di natin inaasahang mangyayari. Ngunit may mga bagay din na maaari nating iwasan basta’t lagi tayong nakahanda’t ginagamit ang kakaibang karunungan na nagmumula sa Diyos. At ang langis ng panalangin na sa madaling araw ay nasindihan na ang siyang magbibigay ng liwanag sa ating buhay at gabay sa mga mahahalagang desisyon na kinakailangan nating harapin sa araw araw. Nawa’y iwasan natin na ipagpaliban ang pagbibigay ng ating panahon sa panalangin na may kasamang paglilingkod sa ating kapwa, lalo na sa mga nangangilangan at mga naghihirap.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020