Ebanghelyo: Lc 15: 1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas:
“Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
Pagninilay
sang hindi maiwasang paguugali ng tao ang humusga at humanap ng kamalian sa kanyang kapwa. Mas madali raw itong makita kaysa kabutihan ng isang tao. Kaya winika ni Jesus ang mga talinhaga ng sandaang tupa at sampung baryang pilak. Ibinahagi ni Jesus na kapag mawalay ang isang tupa mula sa kanyang kawan, hindi ba’t ito’y hinahanap ng pastol? Ganun na lang din ang nadaramang kaligayahan ng pastol kapag ito’y kanyang matagpuan. Ganito rin ang galak ng isang babaeng nawalan ng isa sa sampung baryang pilak. Gagawin niya ang lahat upang ito’y kanyang matagpuan at hindi matatawaran ang galak na kanyang nararadaman kung ito’y kanyang makita. Ganito rin ang ang Diyos sa atin. Mahalaga sa Kanya ang bawat nilikha, ang bawat tao. Laging hinahanap ng Diyos ang sinumang naliligaw ng landas at nawawalay sa Kanya. Sino mang nagbabalik-loob at buong pusong nagsisisi sa kanyang mga kasalanan ay laging may puwang sa puso ng Diyos. Nawa’y ganito rin tayo sa ating kapwa o mga mahal sa buhay na nawawalay sa atin. Hanapin natin sila, suportahan sa kanilang pagbabago, at tanggapin sila ng maluwag sa ating puso.
© Copyright Pang Araw-araw 2024