Ebanghelyo: Lc 14: 25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Di ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipa-tapos.’ At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.
Pagninilay
Napakalaki ang hinihinging kapalit ni Jesus sa sinumang nagnanais na sumunod Kanya. Kakayanin ba nating talikdan ang ugnayan natin sa ating pamilya at nakahanda ba tayong pasanin ang krus? Sino mang naghahangad na maging alagad ni Jesus ay nangangailangang talikuran ang
kanyang pamilya o anumang bagay kahit gaano pa niya ito pinahahalagahan at minamahal alang-alang sa Kanya. Gayundin, ang isang taong nais maging alagad ni Jesus ay nararapat na handang pasanin ang kaakibat na bigat ng krus, ang hirap, sakripisyo, at pagpapakasakit. Sa ebanghelyo, si Jesus ay nagkaroon ng paghahambing: ang lalaking nagbabalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid at ang isang haring makikipagharap sa ibang hari. Sino mang nagnanais na sumunod kay Jesus ay nararapat na handa sa anumang obligasyon at hamon na hinihingi ng pagsunod. Mahalagang buo ang kanyang loob at matibay ang kanyang pananampalataya. Anumang katiting na bahid ng pag-aalinlangan ay kailangang mapagtagumpayan. Sa buhay, nakahanda ba tayong isaisang-tabi alang-alang kay Jesus ang anumang pagaari at mga bagay na mas itinatangi natin? Ang krus na simbolo ng pagpapakasakit, makakaya ba nating pasanin?
© Copyright Pang Araw-araw 2024