Ebanghelyo: Lucas 20:27-38
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”
Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang-buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.”
Pagninilay
Napakaganda ang kalagayan sa langit. Una, wala na ang takot na mamamatay pang muli. Pangalawa, wala na rin ang kalungkutan, sakit at mga kahirapan. Hindi na magtatrabaho para tumanggap ng sweldo para ibuhay sa sarili at mga mahal sa buhay. Wala na rin ang pag-aalala na baka ang pag-aari ay mawala, maubos at mabulok. Wala na ang kahapon at bukas. Ang buong panahon ay ngayon. At higit sa lahat kapilin lagi ang Diyos, ang bukal ng buhay, pag-ibig, kaluwalhatian, kaligayahan at kapayapaan. Punong-puno na rin ang kanilang puso ng pagmamahal ng Diyos kaya wala na ang pagseselos, inggitan, pagpapataasan at paninirang-puri. Ito ay inaasam, pinaghahandaan at natitikman kahit kaunti rito pa lamang sa lupa. Ang Diyos ay pag-ibig at ang bawat umiibig ay nakararanas ng pananahan ng Diyos sa kanyan pagkatao. Natututo siyang kumilos katulad ng Diyos at nararanasan din ito ng kapwa-tao; kaya ang kapwa na kanyang minamahal ay nakapagbubulalas ng: “Salamat sa Diyos!”
Ang magmahal katulad ng Diyos ay isang hamon para sa mga magasawa. Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang kanilang pag-iisang dibdib ay larawan ng pagiging isa ng Banal na Santatlo. Kaya ang katapatan ng mag-asawa hanggang sa wakas ng kanilang buhay ay hindi galing sa kanilang sarili. Ito ay dumaloy mula sa Diyos, kanilang tinanggap at pinagsaluhan. Kaya ang susi sa katapatan ay ang pagmamahal sa Diyos nang higit sa lahat, higit sa sarili at asawa. Sa kabilang buhay sila ay muling pagtatagpuin ng Diyos upang ipagpatuloy ang magkasamang pagmamahal sa Diyos kasama ng kanilang mga supling.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022